Ramirez, Miguel Angelo M. 3LM2
Ang kuwento ng buhay ni Ploning (Judy Anne Santos) ay ginanap sa Cuyon, Palawan, na kung saa’y nag simula ang kuwento sa paghahanap ng binatang si Muo Sei, na lulan ng isang ilegal na barkong pang-isda, kay Ploning. Digo (Boyong Fernandez) ang pangalan ni Muo Sei noong siya’y isang bata pa. 25 taon na rin ang lumipas nang sila’y nagkahiwalay. Sa mata ng musmos na Digo, si Ploning ang nagsilbi niyang naglalakad na nanay. Siya ang palagi niyang kasama, tinuturuan siya nito ng mga aral na kanyang dadalhin hanggang sa pag-laki. Sa paraan ng pagaalaga at atensiyon kay Digo, itinuring na rin niyang anak ang bata.
Ang mga paulit-ulit na balik tanaw sa Cuyo ng pelikula ang nagpatunay sa kagustuhan ng binatang si Digo na hanapin muli si Ploning. Noong si Ploning ay naninirahan pa sa Cuyo itinatago ng kaniyang pagkamahin-hin ang isang pag-ibig na gumagambala sa isip ng mga taong-bayan. Ang alam ng iba’y inaantay niya si Tomas kaya’t hindi pa siya nag-aasawa. Tatandang dalaga na lang daw siya.
Meron din siyang sikretong hindi mabubunyag hanggat hindi siya nagtutungong Maynila. Sa desisyong ito nag-umpisa ang galit ni Ploning sa ama niyang si Susing sa kadahilanang ayaw siyang payagan nito na magtungo ng Maynila upang hanapin si Tomas, ang kasintahan niya noong siya’y 16 taong gulang pa lamang. Hindi rin sang-ayon ang batang si Digo sa panukalang ito ni Ploning, at gagawin niya ang lahat mapigilan lamang ito sa pag-alis. Nagtagumpay naman si Digo sa nasabing pagpigil ngunit sila’y tuluyan ding nagkahiwalay nang sa wakas ay dumating ang ulan sa Cuyo, na kasasabay din nang pagka-wala ni Ploning, inakala ni Digong nag punta siya ng Maynila kaya’t hinanap niya ito.
Ang pagiging ina ni Ploning kay Digo ang sikretong bumabalot sa nasabing pelikula.
Gumamit din ang direktor (Dante Nico Garcia) sa kurso ng pelikula ng mga simbolismo upang mailathala ang ilan sa mga ideya na mas makakapag-organisa ng mga pangyayari. Halimbawa: Ang lata ng lychee ang nag-silbing ala-ala ni Digo kay Ploning dahil palagi nila itong pinagsasaluhan 25 taon nang nakalilipas. Ang bato namang palaging kinakas-kas ni Ploning ay ang nagsilbing ala-ala ni Tomas. Ang tsinelas naman ang lumikha ng isang atmospera ng distansya at paghahanap. Isang puting damit naman ang nagpahiwatig sa pag-ibig na puro’t walang dungis, at ang asin naman na sumisimbulo sa lupain ng Cuyo.
Ang simplisidad ng buhay probinsya, ang pangungumpara ng liberal at konserbatibong pag-ibig, tiwala sa kapwa’t ang dangal ng pamilyang Pilipino ang ilan sa mga magagandang aspeto ng pelikula.
Makatotohanan ang mga artista’t ekstrang gumanap sa pelikula. Maayos at natural ang pag-arte ng mga ito. Damang-dama ko ang init ng isang tanghaling tapat sa Cuyo. Ang mga costumes at kagamitang ginamit sa mga pagbabalik-tanaw ay maayos na naipadaloy sa buong kurso ng pelikula. Sabay pa nito ang maayos at koordinasadong kumpas ng mga kilos, ekspresyon ng mukha’t damdamin ng mga dayalogo.
At para sa isang obrang Pilipinong may magandang istorya’t cinematography na minsan na lamang lumalabas at naipapamahagi sa masa bibigyan ko ang Ploning ng 8/10.
Tuesday, March 10, 2009
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
Maganda ang pag-aanalisa ng pelikula. 95%
ReplyDelete