Tuesday, March 10, 2009

“Samtoy” ni Mes DeGuzman

Ramirez, Miguel Angelo M. 3LM2

I. Sinopsis

Ang Samtoy ay isang maikling-kwento mula sa Barriotic Punk, isang koleksyon ng maiikling-kwento na isinulat ni Mes DeGuzman. Ang kuwento ng Samtoy ay umiikot sa dalawang magkaibigang naipit sa isang pangungursunada ng isang frat-fratan na kung tawagin ay Samtoy. Ito ay isang samahan ng mga Iloko na nangha-harass ng mga estudiante sa kanilang paaralan. Nagsimula ang kwento nang harangin ang dalawang Totoy ng mga pangit na Iloko sa paglabas nila ng klasrum. Ininterrogate sila ng mga ito ng mga katanungang, “ilokano ka ba?” at “taga-saan ka?” na kapag ika’y Iloko’y awtomatik na nang maisasali sa kanilang samahan. Matinding takot ang naidulot ng engkwentrong ito sa dalawang mag-aaral na sa huli’y nakagawa ng paraan upang makatakas sa panghaharang ng mga siga sa pamamagitan ng pagsabay sa mga gurong dumadaan sa corridor. Nang papaalis na ng gusali ang dalawang kumakaripas na Totoy ay naikwento ni Boyet ang masama niyang karanasan sa kasama. Pambubugbog at ekstorsiyon ng pera ang ilan sa mga ito. Hindi naman mapigilan ng bida ang pagmumunimuni sa mga kahihinatnan niya kung sakaling balikan sila ng mga pangit na iyon. Pag-uwi niya ng boarding house ay naikwento niya sa mga nagsisiksikang karoom-mate ang mga nangyari sa kanila ni Boyet kanina. Ang mga ito’y nagsipagtapang-tapangan at humirit pang reresbakan daw nila ang mga mokong na humaharang sa bida. Ngunit nang malaman nilang ito ay ang samahan ng mga Iloko’y isa-isa silang tumiklop at natakot sa kwento ng bida. Nang matapos na ang kanilang munting sharing, hindi naman makatulog sa pagmumunimuni ang bida sa sobrang pag-aalala niya sa mga maaaring mangyari. Sa takot at kaba, dumapo sa isip niya ang bumalik sa probinsiya upang magkaroon ng kaginhawaang-loob sa piling ng kaniyang mga kapamilya. Ipinakita din sa sandaling ito ang experience ng mga estudyanteng inaasahan ng mga magulang na makakapag-ahon sa kanila. Na ang mga frat daw sa probinsiya ay tinitingala dahil sa kanilang mabuting naidudulot sa komunidad sa nayon, na kabaligtaran naman ng mga frat sa Siyudad na bugbugan ang ehersisyo at ice-pick ang mga kaibigan. Napagisip-isip din niya na siya lamang ang makakalutas ng mga problema niyang ito. At nang gumising sa kinaumagahan ay dali-dalian niyang kinuha ang isang kutsilyo sa kusina, na kaniya naming gagamitin upang matapos na at maibsan ang ala-bundok niyang kaba. Ngunit pag-pasok niya sa paarala’y nagulat siya nang masaksihan niya ang mga mokong na umbagin ng mga mas mokong sa kanila – ang mga sikyu. Sa gulat ay nahulog niya ang kaniyang takas-sandata sa may entrada ng gusali, at sa sandaling pupulutin na niya iyon nakarinig siya ng mga yabag ng isang papalapit na sikyu. Kabado siya sa kadahilanang baka mapaghinalaan siyang kasapi ng Samtoy, ngunit pagtingin niya sa hawak, di niya namalayang kutsara pala ang kaniyang nadala.

II. Pagsusuri

Ang estilo ng kuwento ay impormal, ito ay ipinagtitibay ng mga pangyayaring lokal at kanto o mga tagpuang karaniwang nararanasan ng mga estudyante sa pag-labas nila ng silid-aralan. Sinimulan ang naturang problema ng bida sa paglalahad ng mga ito sa umpisa ng kuwento. Idinikta nito ang ilan sa mga katotohan ng ating lipunan pag-dating sa mga fraterniting mapanikil. Ang direksyon ng kuwento ay naaayon sa pag-tingin ng mga kabataang tinedyer na kadalasang napagsasamantalahan ng mga mas malakas sa kanila. Inilathala din ng kuwento ang napakalaking pagkakaiba ng buhay siyudad sa buhay probinsiya sa pamamagitan ng isang pangungumpara sa mga frat nito. Ang kahirapan din ng buhay ay ipinahiwatig sa paraan ng kawalan ng pag-asa, na kung saa’y ang ilang mga tao sa ating lipunan’y umaasa na lamang sa paninikil upang matustusan ang kanilang mga bisyo’t kalokohan.

III. Rekomendasyon/ Kongklusyon

Naipahiwatig ng maige ng awtor ang nais niyang ilahad sa mga mambabasa. Ang kuwentong ito ay isang pambukas ng mata sa kadahilanang inilathala nito ang ilan sa problema’t katotohanang kadalasang kinakaligtaan ng lipunan. Wala nang kailangang idag-dag pa’t baguhin sa naturang likha. Inirerekomenda ko ito sa mga kabataang mambabasa na kasalukuyang nag-hahanap ng unawa sa makabagong mundo ng siyudad at kolehiyo. 4/5

1 comment:

  1. Nasaan ang pagsusuri sa estilo ng awtor? Hindi mo napatunayan ang ginamit na estilo sa kuwento. 87%

    ReplyDelete